Tatlong taon na ang nakararaan, isang babaeng Dalit ang pinaslang ng kanyang superbisor sa isang pabrika ng damit sa India. Hindi na hinintay ng kanyang mga katrabaho ang pagtugon ng kompanya. Sama-sama silang nag-organisa at nakipag-ugnayan sa mga pangunahing pandaigdigang kompanya ng fashion, na bumuo ng isang maipapatupad na kasunduan sa pagitan ng mga kompanyang bumibili, pabrika at kanilang unyon ng manggagawa para tukuyin, lutasin at maiwasan ang karahasan at panliligalig na nakabatay sa gender sa kanilang mga lugar ng trabaho.
Kilala bilang ang kasunduan sa Dindigul (Dindigul agreement), ang inisyatiba ay nagtatag ng mga independiyenteng entidad sa pagsubaybay at sinanay ang mga babae na maging tagasubaybay sa lugar ng trabaho (shop floor monitor) na may mga espesyal na proteksyon sa paghihiganti para magsagawa ng agarang aksyon sa mga kaso ng karahasan at panliligalig na nakabatay sa gender. Tinitiyak ng kasunduan na mayroong mga pinagkakatiwalaan at maaasahang mekanismo ng karaingan na ipinapatupad. Pinapanagot din nito ang mga kompanya sa paglutas ng mga isyu at pagbibigay ng access sa mga manggagawa sa remedyo.
Pagsapit ng 2026, inaasahang gagastos ang mga kompanya ng higit sa $27 bilyon sa isang taon sa boluntaryong panlipunang pag-audit para mag-ulat ng mga pang-aabuso sa trabaho sa kanilang mga supply chain. Gayunpaman, walang pag-audit ang nakapigil sa trahedya sa India. At noong 2013, gumuho ang pabrika ng Rana Plaza sa Bangladesh, na ikinamatay ng mahigit 1,100 manggagawa – ilang araw matapos na walang nakitang problema sa gusali ang pag-audit. Ang mga boluntaryong pag-audit ng ikatlong partido ay madalas na nagpapakita ng kanilang mga limitasyon.
Naniniwala kaming may mas magagawa at mas mapapahusay pa ang mga negosyo. Iyon ang dahilan kung bakit inilabas namin ang InfoHub ng Responsableng Pag-uugali sa Negosyo at Mga Karapatan sa Trabaho, isang one-stop shop para sa impormasyon, patnubay at mga tool mula sa pamahalaan ng U.S. at mga internasyonal na organisasyon para suportahan ang pribadong sektor sa pagsasama ng mga karapatan sa trabaho at responsableng kasanayan sa negosyo sa kanilang mga operasyon at sa kanilang mga pandaigdigang supply chain.
Naging bahagi ito ng pangalawang Pambansang Plano ng Aksyon sa Responsableng Pag-uugali sa Negosyo (National Action Plan on Responsible Business Conduct) ng pamahalaan ng U.S., na itinatag sa batayan ng paniniwala ng administrasyong Biden-Harris na maaaring magtagumpay ang mga negosyo habang gumagawa ng mabuti, at dapat gumawa ang mga pamahalaan ng mga kondisyon para maganap ang responsableng pag-uugali sa negosyo.
Ang InfoHub ay nagbibigay sa mga kompanya ng kaalaman at mga tool na kailangan ng mga ito para sumunod sa mga pederal na batas, mga patakaran ng ahensya at mga probisyon sa kalakalan sa mga karapatan sa responsableng negosyo at trabaho. Ginagawa rin nitong madaling ma-access ang mga ulat at pagpapayo ng pamahalaan, para manatiling napapanahon ang mga negosyo sa mga umuusbong na panganib sa mga priyoridad na sektor.
Umaakma ang site sa mga umiiral nang tool sa angkop na pagsusumikap na ginawa ng Kawanihan ng Internasyonal na Mga Ugnayan sa Trabaho (Bureau of International Labor Affairs) tulad ng Comply Chain at ang aming Listahan ng mga Produktong Ginawa sa pamamgitan ng Batang Manggagawa o Sapilitang Pagtatrabaho (List of Goods Produced by Child Labor or Forced Labor). Binubuo din ng InfoHub ang pangako ng ILAB na palakasin ang boses ng manggagawa (worker voice) bilang isang kritikal na bahagi ng nararapat na pagsusumikap na nakasentro sa manggagawa.
Hinihimok namin ang lahat ng stakeholder — mula sa sibil na lipunan hanggang sa C-suite — na gamitin ang mga mapagkukunan, tool at legal na pamantayan na ito para gumawa ng makabuluhang aksyon, palakasin ang kanilang nararapat na pagsusumikap at tiyaking magagamit ng mga manggagawa sa kanilang mga supply chain ang kanilang mga karapatan na kinikilala sa buong mundo nang walang takot sa paghihiganti.
Papasok na tayo sa isang bagong panahon ng pagsunod sa korporasyon, kung saan ang mga nagbubuklod na pangako para suportahan ang boses ng manggagawa, tulad ng nakikita natin sa kasunduan sa Dindigul, ay lumalabas bilang makapangyarihan at mga tool na maaaring makatulong. Ang mga negosyong nangunguna sa mga pandaigdigang supply chain ay may kapangyarihang gawing laganap at mabisa ang mga kasunduang ito at para matiyak na nasa sentro ng mga bagong proseso at institusyong ito ang mga manggagawa. Nangangailangan ito hindi lamang ng pagtataguyod ng mga bagong proseso para imapa at subaybayan ang mga epekto sa loob ng mga supply chain, ngunit isang kongkreto at positibong resulta para sa mga manggagawa. Nangangailangan ito hindi lamang ng pag-set up ng mga hotline, app o kahon ng mungkahi para sa mga manggagawa, ngunit paggalang sa kanilang mga karapatang mag-organisa at makipagsundo nang sama-sama.
Sa pamamagitan ng InfoHub ng Responsableng Pag-uugali sa Negosyo at Mga Karapatan sa Trabaho at iba pang mapagkukunan, ang Departamento ng Trabaho ng U.S. ay nagbibigay sa mga kompanya ng mga tool para magtakda ng landas ng pagsulong sa makabuluhan at angkop na pagsusumikap at palakasin ang mga karapatan at proteksyon ng lahat ng manggagawa.
Si Thea Lee ay ang deputy undersecretary para sa internasyonal na mga ugnayan (international affairs) ng Departamento ng Trabaho ng U.S. I-follow ang ILAB sa X/Twitter sa @ILAB_DOL at sa LinkedIn.