Noong nakaraang linggo naglabas ng datos ang Pambansang Lupon ng Mga Ugnayan sa Paggawa (National Labor Relations Board, NLRB) na na nagpapakitang ang mga petisyon para sa mga halalan ng representasyon ng unyon ay dumoble mula noong piskal na taong 2021 – na isang pagtaas mula 1,638 petisyon noong FY 2021 hanggang 3,286 noong FY 2024. Pinuri ni Pangulong Biden ang balita, na binibigyang-diin na “kapag mahusay ang mga unyon, magiging mahusay ang lahat ng manggagawa at makikinabang ang buong ekonomiya.”
Naganap ang pagdagsa ng mga petisyon para sa representasyon ng unyon habang patuloy na ipinapakita ng pagsusuri ng opinyon at iba pang pananaliksik na nasa pinakamataas na antas nito sa mga nakalipas na dekada ang interes at suporta para sa mga unyon. Dalawang-katlo ng publiko ang sumusuporta sa mga unyon at ang suporta sa mga kabataang manggagawa ay mas mataas pa. Ipinapakita ng pananaliksik na higit sa kalahati ng mga manggagawang walang unyon ang bobotong magkaroon ng isa sa kanilang lugar ng trabaho, na nangangahulugang hindi bababa sa 60 milyong manggagawa ang gustong magkaroon ng unyon pero wala pang unyon dahil sa mga hadlang at kakulangan sa batas.
Hindi lamang tumataas ang mga petisyon para sa pagkakaroon ng unyon, pero tumataas din ang rate ng panalo ng mga manggagawang nag-oorganisa ng mga unyon, at tumataas ang bilang ng nagiging miyembro ng unyon – tumaas ito nang halos 500,000 manggagawa sa nakalipas na dalawang taon. Halos 50,000 manggagawang mag-aaral sa mga kolehiyo at unibersidad ang bumoto nang lubos para bumuo ng mga unyon sa nakalipas na ilang taon.
Ang pagdagsa ng bagong pag-oorganisa ay nagbibigay-inspirasyon, pero ang pagkapanalo sa isang halalan ng unyon ay unang hakbang lamang - dapat pa ring makipag-ayos ang mga manggagawa sa kanilang employer para makabuo ng paunang kasunduan sa kolektibong pakikipagkasundo (collective bargaining agreement). Maaaring tumagal nang ilang buwan o taon ang prosesong ito, na nakakadismaya sa mga manggagawa at humahadlang sa kanilang kakayahang makamit kung para saan ang kanilang inorganisa – isang may-bisang kontrata sa kanilang employer na nagtatakda ng mga sahod, oras, at mga tuntunin at kundisyon sa pagtatrabaho. Bahagyang higit sa isang-katlo ng mga bagong inorganisang yunit ang nakakaabot sa isang paunang kasunduan sa kolektibong pakikipagkasundo sa isang taon.
Para hikayatin ang mga partido na magkaroon ng unang kasunduan, naglabas ng Hamon sa Unang Kontrata (First Contract Challenge)ang Tumatayong Kalihim ng Paggawa na si Julie Su, na nananawagan sa mga kumpanya at bagong sinertipikang unyon na makaabot ng paunang kasunduan sa kolektibong pakikipagkasundo sa loob ng isang taon. Kamakailan ay ipinagdiwang niya ang isang makasaysayang unang kontrata na naabot sa loob ng isang taon sa pagitan ng BlueBird – isang manufacturer ng school bus – at ng United Steelworkers, at hinamon niya ang iba pang kumpanya at unyon na gawin din ito.
Ang Serbisyo ng Pagpapamagitan at Pagkakasundo ng Pederal na Pamahalaan (Federal Mediation and Conciliation Service) ay nagtatag ng isang programa para tulungan ang mga partido sa pag-abot ng mga unang kontrata, sa pakikipagtulungan sa Pambansang Lupon ng Mga Ugnayan sa Paggawa (National Labor Relations Board, NLRB). Ang inisyatibang ito ay isinagawa kaugnay ng kauna-unahang Task Force ng White House sa Pag-oorganisa at Pagpapalakas ng Manggagawa (White House Task Force on Worker Organizing and Empowerment), na itinatag ni Pangulong Biden at pinamumunuan ni Pangalawang Pangulong Harris. Sa ilalim ng pamumuno ni Pangalawang Pangulong Harris, tumukoy at nagpatupad ang mga ahensya sa buong ehekutibong sangay ng higit sa 100 hakbang na pagkilos para suportahan ang pag-oorganisa ng manggagawa at kolektibong pakikipagkasundo.
Naganap ang aktibidad na ito habang nagdiriwang ang mga manggagawa sa buong bansa ng mga makasaysayang panalo sa mga pakikipagkasundo, na nakamit nang may buong suporta ng administrasyong Biden-Harris — kabilang ang mga kasunduan sa pagitan ng Alliance of Motion Picture and Television Producers at SAG-AFTRA, UAW at ang Big 3 na manufacturer ng sasakyan, ILA at USMX, unyon ng mga manggagawa sa hotel at mga hotel sa Las Vegas, at marami pa.
Tulad ng sinabi ng Tumatayong Kalihim na si Julie Su nang ipahayag ang mga bagong bilang ng nabuong unyon, “Hindi aksidente na sa ilalim ng administrasyong lubos na sumusuporta sa mga unyon at manggagawa ay naisasakatuparan ng mga manggagawa ng Amerika ang kanilang mga karapatan sa pag-oorganisa, at mayroon silang kapangyarihang hilingin kung ano ang dati nang nararapat para sa kanila.”
Si Lynn Rhinehart ay isang dalubhasang nakatataas na tagapayo sa paggawa sa Tanggapan ng Kalihim.