Pag-iwas sa Pagkahulog sa Konstruksyon

Dalawang babaeng empleyado sa konstruksiyon na nakasuot ng kagamitang pang-proteksyon sa pagkahulog, kabilang ang mga helmet na pangkaligtasan, mga harness at iba pang kagamitan.

 

Patuloy na pangunahing sanhi ng pagkamatay sa industriya ng konstruksiyon ang pagkahulog. Ayon sa ulat ng Kawanihan ng Estadistika ng Paggawa (Bureau of Labor Statistics), mayroong 865 na nasawi dahil sa pagkadulas, pagkatalisod at pagkahulog noong 2022. Nakalulungkot, 700 sa mga pagkamatay na ito ay resulta ng pagkahulog mula sa matataas na bahagi, tulad ng mga hagdan o bubong, hanggang sa mas mababang antas. Tinatayang nasa average na halos dalawang manggagawang namamatay araw-araw, mula sa pagbagsak hanggang sa mas mababang antas. Ang mga nakakabahalang istatistika na ito ay isang malaking alalahanin sa amin sa Pangasiwaan sa Kaligtasan at Kalusugan sa Trabaho (Occupational Safety and Health Administration, OSHA) at binibigyang-diin nila ang pangangailangan para sa pagkilos ng bawat negosyo at sa industriya.   

Ang pakikilahok sa mga kaganapan tulad ng Paninindigan sa Pambansang Kaligtasan sa Pag-iwas sa Pagkahulog sa Konstruksyon (National Safety Stand-Down to Prevent Falls in Construction) ay maaaring magpataas ng kamalayan sa mga panganib sa pagkahulog at mapalakas ang mga ligtas na gawi sa pagtatrabaho at para maiwasan ang mga pinsala at pagkamatay.

May mahalagang papel ang mga employer sa pagtiyak na sinusunod ang mga hakbang sa kaligtasan. Bagama't maaaring mag-iba ang mga pangyayari para sa bawat insidente, narito ang tatlong simpleng hakbang na maaari at dapat nilang gawin para maiwasan ang mga hindi dapat mangyaring trahedyang ito.

  1. Magplano nang maaga para magawa nang ligtas ang trabaho. Ang mga employer at superbisor na nangangasiwa sa trabaho sa matataas na lugar ay dapat na proaktibong magplano ng mga proyekto at isama ang kaligtasan mula sa pagsisimula pa lang ng proyekto. Halimbawa, kung madulas ang ibabaw o kung malakas ang hangin, kailangan bang gawin ang trabaho sa oras na iyon? Ano ang maaaring gawin para mabawasan ang mga panganib? 

    Suriin nang maaga ang lugar ng trabaho para matukoy ang mga potensyal na panganib at hadlang. Ang pagbibigay-priyoridad sa kaligtasan mula sa yugto ng pagpaplano ay nagbibigay-daan sa mga team na iangkop at muling bigyang-priyoridad ang mga pagsisikap at mapagkukunan kung kinakailangan.     

  2. Magbigay ng wastong kagamitan. Ang mga manggagawang nakalantad sa mga panganib sa pagkahulog ay dapat magkaroon ng naaangkop na mga kasangkapan at kagamitan para sa kanilang mga kondisyon sa trabaho. Bigyan ang mga manggagawa ng mga kagamitang sumusunod sa kaligtasan sa pag-iwas sa pagkahulog tulad ng mga sistema ng anchorage para sa pagkahulog, guardrail, scaffolding, sistema ng personal na pag-iwas sa pagkahulog (personal fall arrest system, PFAS) at wastong pagkakabit ng mga harness.

    Tandaan na ang mga kagamitang pangproteksyon na idinisenyo para sa mga lalaki ay maaaring hindi sapat na magkasya o magbigay ng tamang proteksyon para sa mga babae. Tiyakin na ang mga manggagawa sa konstruksiyon sa lahat ng gender at laki ay maayos na nilagyan ng gamit pangkaligtasan. 

  3. Sanayin ang lahat. Dapat sanayin ang bawat manggagawa sa paggamit ng kagamitan para gawin ang trabaho sa ligtas na paraan. Dapat saklawin ng pagsasanay ang mga kasanayang pangkaligtasan, mga pamamaraang pang-emergency at tamang paggamit ng kagamitan sa wikang nauunawaan nila. Isipin ang isang senaryo kung saan maririnig ng mga manggagawa ang isang tagapamahala ng site na nagsasanay sa kanila na nagsasabing, "Siguraduhin mong mag-tie-off ka" kapag nagtatrabaho sa mataas na bahagi. Ngayon, isipin na ang pagkakaunawa ng mga manggagawang iyon sa ibig sabihin ng sinasabing "mag-tie off" ay alisin ang lubid sa halip na tiyaking ligtas ang pagkakatali ng lubid para maiwasan ang kanilang pagkahulog sa mas mababang antas. Ang malinaw na komunikasyon na nauunawaan ng mga manggagawa ay pinakamahalaga sa pagtiyak na magagawa ng mga manggagawa ang kanilang mga trabaho nang ligtas at epektibo.

    Palaging magkaroon ng plano para sa pabibigay ng agarang pagsagip sa mga empleyado kung sakaling mahulog sila o matiyak na alam ng mga empleyado kung paano iligtas ang kanilang mga sarili.

Dapat tayong gumawa ng higit pang pagsisikap para maprotektahan ang mga manggagawang ito.  Dapat pangunahan ng mga employer at superbisor ang pagtataguyod para sa kaligtasan ng manggagawa sa pamamagitan ng pagiging halimbawa nila. Hikayatin at gawing motibasyon ang pagsunod sa kaligtasan bilang pangunahing pinahahalagahan sa pamamagitan ng mga programang pangkaligtasan na nagtataguyod ng kulturang may kamalayan sa kaligtasan at nagbibigay ng gantimpala sa mga empleyado para matulungan sila na gawing mas ligtas ang kanilang mga lugar ng trabaho. 

Magtulungan tayo para maiwasan ang mga panganib sa pagkahulog at paalalahanan ang lahat na bigyang-priyoridad ang mga sistema ng pamamahala sa kaligtasan. Ang mga simple ngunit kritikal na pagkilos na ito ay maaaring gumawa ng mga pagbabago sa pagliligtas ng mga buhay. 

Isagawa ang iyong sariling paraan sa kaligtasan o sumali sa pag-uusap online gamit #StandDown4Safety. I-follow ang OSHA sa Twitter/X sa @OSHA_DOL at LinkedIn para sa karagdagang impormasyon sa pagpapanatiling ligtas sa mga manggagawa sa trabaho. 

 

Si Jose Herrera ay isang espesyalista sa kalusugan at kaligtasan sa trabaho at isang Espanyol na espesyalista sa pagtuturo sa kaligtasan para sa OSHA.