Sa isang mahigpit na pinagtatalunang halalan noong Mayo ng 2024, ang humigit-kumulang 5,000 manggagawa sa planta ng Mercedes-Benz sa Tuscaloosa, Alabama, ay bumoto laban sa pag-certify sa Mga Nagkakaisang Manggagawa ng Sasakyan (United Auto Workers, UAW) ng Amerika bilang kanilang ahente sa pakikipagkasundo. Ang babahagyang pagkatalo ng UAW ay sinundan ng kamakailang matagumpay nitong halalan sa sertipikasyon para sa pagkilala sa isang planta ng Volkswagen sa Chattanooga, Tennessee.
Di-nagtagal pagkatapos ng pagkatalo, nagsampa ng reklamo ang UAW sa Lupon ng Mga Pambansang Ugnayan sa Paggawa na nagsasaad na nakagawa ang Mercedes ng hindi patas na mga kasanayan sa paggawa hanggang sa halalan. Ginawa rin ng UAW ang hindi pa nagagawang hakbang ng pagsasampa ng reklamo sa Germany na nagpaparatang ng mga paglabag sa Batas ng Germany sa Mga Obligasyon sa Angkop na Pagsusumikap ng Korporasyon sa mga Supply Chain. Inaatasan ng batas na iyon ang mga kumpanyang German na sumunod sa 11 internasyonal na mga kinikilalang pamantayan sa karapatang pantao, kabilang ang karapatan sa malayang asosasyon, kapag nag-a-outsource ng produksyon sa ibang bansa. Kung mapatunayan na may pananagutan, maaaring mapatawan ang Mercedes ng malalaking parusang pinansyal. Nag-udyok ang reklamo sa pamahalaan ng Germany na maglunsad ng pagsisiyasat sa paghawak ng Mercedes sa halalan sa sertipikasyon pati na rin ang pagpukaw ng interes ng kasalukuyang administrasyon ng U.S..
Aktibong nangampanya ang Mercedes laban sa UAW bago ang panahon sa halalan sa sertipikasyon sa planta nito sa Alabama. Isiniwalat ng mga ulat na isinampa sa Tanggapan ng Mga Pamantayan sa Pamamahala ng Paggawa ng Departamento ng Paggawa na direktang kumuha ang Mercedes ng hindi bababa sa tatlong consultant sa paggawa na galing sa labas (kabilang ang Road Warrior Productions, BJC & Associates at Employer Labor Solutions) na pagkatapos ay nagtalaga ng isang dosenang karagdagang consultant mula sa buong bansa para labanan ang mga pagsisikap ng UAW. Hindi namin malaman kung magkano ang ginastos ng Mercedes sa mga pagsisikap na ito hanggang sa maghain ito at ang mga consultant nito ng kanilang taunang ulat, 90 araw pagkatapos ng pagsasara ng kani-kanilang taon ng pananalapi.
Taliwas sa mga pagkilos nito sa Alabama, regular na kinikilala at nakikipagtulungan ang Mercedes sa mga katapat ng UAW sa Germany, tulad ng halos lahat ng malalaking korporasyong German. May mahalagang papel ang mga unyon ng manggagawa sa Germany sa paggana ng ekonomiya at lipunan. Ang pangunahing pederasyon ng paggawa ay ang German Confederation of Trade Unions (Deutscher Gewerkschaftsbund, o DGB), isang nagtutulongang organisasyon ng manggagawa na binubuo ng walong magkakahiwalay na unyon ng manggagawa na kumakatawan sa 5.7 milyong manggagawa sa iba't ibang sektor ng industriya. Ang batas ng Germany ay hindi lang nagpapatupad ng karapatan sa malayang asosasyon para sa mga German na manggagawa, kinakailangan nito na ang mga kumpanyang may 2,000 o higit pang empleyado ay payagan ang kanilang mga empleyado na maghalal ng hanggang kalahati ng mga miyembro ng lupon ng mga supervisor ng kumpanya, na nagbibigay sa mga manggagawa ng mahalagang papel sa kung paano pinapatakbo ang mga kumpanyang ito..
Bagama't maaaring mangyari ang kolektibong pakikipagkasundo sa Germany sa pagitan ng isang unyon ng manggagawa at isang solong employer, kadalasang isinasagawa ito sa pagitan ng malalaking unyon ng manggagawa at mga asosasyon ng mga employer, na umaabot sa isang kasunduan na sumasaklaw sa buong sektor ng industriya sa loob ng isang rehiyon. Tradisyunal na pinag-uusapan ang mga rate ng suweldo, bakasyon, benepisyo at kondisyon sa pagtatrabaho sa buong rehiyon ng industriya sa Germany, kaya tumatanggap ng katumbas na suweldo at mga benepisyo ang mga empleyado sa mga kumpanyang nasa loob ng sektor ng industriya sa isang partikular na rehiyon.
Karaniwang pinangangasiwaan ang mga ugnayan sa paggawa sa lugar ng “mga konseho sa paggawa,” isang hanay ng mga empleyado na inihalal ng mga manggagawa ng kumpanya. Kinakailangan ang mga konseho sa paggawa sa ilalim ng batas ng Germany para sa mga employer na may higit sa limang empleyado kapag hiniling ng mga empleyado at naging sertipikado sa pamamagitan ng halalan. Ang mga konseho sa paggawa ay may malawak na impluwensya, na may tungkulin sa pagtiyak na ipinapatupad ang mga batas sa pagtatrabaho, pagprotekta sa mga karapatan sa paggawa, pagkuha ng mga bagong empleyado, maayos na pagwawakas ng mga kontrata at maging ang pagtukoy sa layout ng tanggapan. Proporsyonal ang bilang ng mga empleyado sa konseho sa bilang ng mga empleyado sa kumpanya. Hindi kailangang isama ng mga konseho sa paggawa ang mga miyembro ng unyon, at kahit na ang mga employer na walang mga na-unionize na empleyado ay kadalasang mayroong mga konseho sa paggawa.
Ang iba't ibang pamamaraang ito sa representasyon ng manggagawa, na hindi nakakagulat, ay nagbunga ng iba't ibang resulta para sa mga manggagawa. Bagama't bumababa ang membership ng unyon sa Germany, nahihigitan nito ang membership ng unyon ng U.S. Apatnapu't tatlong porsyento ng mga manggagawang German ang nagtatrabaho sa ilalim ng napagkasunduan na mga kasunduan sa kolektibong pakikipagkasundo kumpara sa humigit-kumulang 10% sa U.S. Bilang direktang resulta ng papel ng kilusang manggagawa ng Germany sa ekonomiya, ang mga manggagawang German sa buong industriya (kinatawan man o hindi ng unyon) ay may karapatan nang hanggang 20 araw ng bayad na taunang bakasyon; hindi bababa sa 6 na linggong may bayad na bakasyon sa panahon ng sakit, at maternity at parental na bakasyon; at isang sistema ng kontribusyon sa pensiyon, bilang karagdagan sa katumbas ng Social Security ng Germany. Bagama't ang mga benepisyong tulad nito ay karaniwang available sa mga manggagawa sa U.S. na kinakatawan ng mga unyon, malayo ang mga ito sa karaniwan sa mas malawak na ekonomiya.
Sa susunod na mga post sa blog, susuriin namin ang papel na ginagampanan ng mga unyon sa ibang bahagi ng mundo.
Si J. Matthew McCracken, isang senior na abogado sa paglilitis sa Tanggapan ng Solicitor ng departamento, ay kasalukuyang pansamantalang naglilingkod sa trabaho sa Tanggapan ng Mga Pamantayan sa Pamamahala ng Paggawa.