Alam mo bang maaari kang maging kwalipikado para sa mga benepisyo sa kompensasyon ng mga manggagawa para sa pinsala o sakit sa kalusugan ng pag-iisip na nagreresulta mula sa trabaho?
Ipinapakita ng mga pag-aaral na 30%-50% ng mga nasa hustong gulang ay may sakit sa pag-iisip sa isang punto ng kanilang buhay, habang ang napakaraming epekto ng pandemyang COVID-19 ay nagdulot ng makabuluhang pagtaas sa mga kondisyon tulad ng pagkabalisa, depresyon at pag-abuso ng kontroladong kemikal. Iniulat ng American Psychological Association (APA) na 57% ng mga manggagawa ay nakaranas ng stress na may kaugnayan sa trabaho na nagpapakita ng mga palatandaan ng pagka-burnout sa lugar ng trabaho.
Ang Mayo ay Buwan ng Kamalayan sa Kalusugan ng Pag-iisip (Mental Health Awareness Month) – mahalagang malaman ng mga manggagawa na maaari silang makatanggap ng kabayaran para sa nawawalang sahod at medikal na paggamot na may kaugnayan sa kondisyon ng emosyonal na kalusugan o kalusugan ng pag-iisip na sanhi o pinalala ng kanilang pagtatrabaho at nasuri ng naaangkop na medikal na propesyonal.
Mga Pagkakaiba ng Coverage ng Estado
Magkakaiba ang mga batas sa kompensasyon ng mga manggagawa sa bawat estado at kwalipikado ang karamihan sa mga manggagawa para sa mga benepisyo sa kompensasyon ng mga manggagawa depende sa kung saan sila nakatira at nagtatrabaho. Kasama sa mga pagkakaiba ng estado na ito ang kung anong mga kondisyon ang sinasaklaw, kung magkano ang matatanggap ng manggagawa sa mga benepisyo, kung gaano katagal at kung gaano eksaktong makokompleto ang claim.
Noong Enero 2022, nagdokumento ang Institusyon ng Pananaliksik sa Kompensasyon ng Mga Manggagawa (Workers’ Compensation Research Institute, WCRI) na 36 na estado ang sumasaklaw sa mga claim sa stress sa pag-iisip kung saan walang kaugnayan sa pisikal na pinsala at 49 na estado ang sumasaklaw sa sakit sa pag-iisip mula sa pinagsama-sama at paulit-ulit na trauma sa trabaho sa ilang saklaw. Sa kasalukuyan, hindi sinasaklaw ng Alabama, Arkansas, Florida, Georgia, Idaho, Indiana, Kansas, Kentucky, Montana, Ohio, Oklahoma at Texas ang mga pinsala sa kalusugan ng pag-iisip nang mag-isa para sa karamihan ng mga manggagawa.
Para malaman kung sinasaklaw ng isang partikular na estado ang mga kondisyon sa kalusugan ng pag-iisip, dapat makipag-ugnayan ang isang manggagawa sa ahensya ng kompensasyon ng mga manggagawa ng kanilang estado.
Coverage para sa Mga Unang Tagatugon (First Responders)
Ang isang grupo ng mga manggagawa na may higit na access sa mga benepisyo sa kompensasyon ng mga manggagawa para sa mga pinsala sa pag-iisip sa lugar ng trabaho ay mga unang tagatugon. Ang pandemyang COVID-19 ang nagtulak sa maraming tagagawa ng patakaran na pag-isipan ang tungkol sa kung paano mas mahusay na paglingkuran ang mga nasa front line ng pampublikong tugon sa kalusugan, lalo na ang mga unang tagatugon tulad ng mga bumbero, technician sa medikal na emergency (Emergency Medical Technicians, EMT) at tagapagpatupad ng batas.
Binanggit ng Pambansang Konseho ng Kompensasyon sa Insurance (National Council of Compensation Insurance, NCCI)sa kanilang Ulat sa Regulatoryo at Mga Pambatas na Trend noong 2023 na 86 na panukalang batas ang ipinakilala sa buong bansa sa paksa ng mga pinsala sa pag-iisip na nauugnay sa lugar ng trabaho, kabilang ang 71 nauugnay sa post-traumatic stress at marami rito ang nauugnay sa mga unang tagatugon. Noong 2023, pinalawak ng Connecticut ang coverage ng kompensasyon ng mga manggagawa para sa mga manggagawang may mga pinsala sa post-traumatic stress, habang ang Idaho, Missouri, Nevada, Tennessee, Virginia at Washington ay nagpatupad ng mga batas na nagpadali para sa mga unang tagatugon na makakuha ng pangangalaga para sa post-traumatic stress disorder (PTSD) na nabuo sa trabaho at katulad na mga kondisyon.
Malinaw ang mga dahilan dito. Ayon sa isang ulat noong 2018 mula sa Pangasiwaan ng Serbisyong Pangkalusugan ng Pag-iisip at Pang-aabuso sa Kontroladong Kemikal (Substance Abuse and Mental Health Services Administration), natuklasan na ang mga unang tagatugon ay 50% na mas malamang na makaranas ng mga kondisyon ng post-traumatic stress kaysa sa pambansang average. Isang ulat ng NCCI noong 2021 ang nagsabi na 75% ng lahat ng claim sa kompensasyon ng mga manggagawa na nauugnay sa COVID-19 ay isinumite ng mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan at unang tagatugon. Ang pinakabago, natuklasan ng isang survey noong 2022 na mahigit 1/3 ng mga nars ang nagplanong umalis sa kanilang mga trabaho dahil sa pagka-burnout at stress na nauugnay sa trabaho, at 65% ng mga nars ang nag-ulat na sila ay pasalita o pisikal na sinasakatan sa trabaho.
Inaasahan ko na ang mga estado sa buong bansa ay patuloy na magsasaayos ng mga batas sa kompensasyon ng kanilang mga manggagawa na may kaugnayan sa mga pinsala sa kalusugan ng pag-iisip habang ang ugnayan sa pagitan ng mga aksidente at pagkakalantad sa lugar ng trabaho at kagalingan at kalusugan ng pag-iisip ay nagiging mas malinaw. Ang bawat manggagawa ay nararapat sa pinansiyal na seguridad ng mga benepisyo sa kompensasyon ng mga manggagawa kapag nasugatan o nagkasakit sa trabaho, kabilang ang para sa mga kondisyon sa pag-iisip at emosyonal na kondisyon.
___
Si Christopher J. Godfrey ang direktor ng Tanggapan ng Mga Programa sa Kompensasyon ng Mga Manggagawa (Office of Workers’ Compensation Programs).