Ang Layunin ng Buwan ng Pambansang Kamalayan sa Pagtatrabaho ng Mga May Kapansanan
Bawat taon, kinikilala at binibigyang parangal ng Buwan ng Pambansang Kamalayan sa Pagtatrabaho ng Mga May Kapansanan (NDEAM), na pinangangasiwaan ng Tanggapan ng Patakaran sa Pagtatrabaho ng Mga May Kapansanan (Office of Disability Employment Policy, ODEP) ng departamento, ang mga nakamit ng mga manggagawang may mga kapansanan sa buong bansa at itinatampok kung paano nakikinabang ang mga empleyado at employer sa mga inklusibong patakaran at kasanayan. Nagsisilbi rin ang NDEAM para bigyang-pansin ang mga hamong kinakaharap ng mga taong may kapansanan, na nagsusulong ng higit na pag-unawa at nagtataguyod ng pagsasama at pagkakapantay-pantay.
Ang Mga Sentro para sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit (Centers for Disease Control and Prevention, CDC) ng U.S. ay may pagtatantya na humigit-kumulang isa sa apat na nasa hustong gulang – o 27 porsiyento – ay may ilang anyo ng kapansanan..
Ang tema ng NDEAM sa taong ito ay ang “Access sa Magagandang Trabaho para sa Lahat”, na nagtataguyod sa pagpapataas ng parehong dami at kalidad ng mga oportunidad sa trabaho na available para sa mga indibidwal na may mga kapansanan.
Ang Inisyatiba para sa Magagandang Trabaho, na pinamumunuan ng Departamento ng Paggawa, ay nakatuon sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa mga manggagawa, employer, at pamahalaan habang nagsisikap sila na mapabuti ang kalidad ng trabaho at gumawa ng access sa magagandang trabaho na walang pandidiskrimina at panliligalig para sa lahat ng manggagawa.
Ganap na naaayon sa tema ng NDEAM ngayong taon ang mga programang Rehistradong Apprenticeship (Registered Apprenticeship, RA). Ang mga ito ay hinihimok ng industriya, iniakma para matugunan ang mga partikular na pangangailangan ng mga employer, at nag-aalok sa mga manggagawa ng direktang tunguhin patungo sa matataas na suweldo at magagandang trabaho. Para sa lahat ng tao, kabilang ang mga taong may mga kapansanan, nagbibigay nang malinaw na ladas ang mga Rehistradong Apprenticeship patungo sa katatagan sa pananalapi.
Karaniwang mas may kamalayan ang mga employer na kasali sa mga programa ng RA sa kanilang mga obligasyon sa ilalim ng batas at nagsusulong ng mas inklusibong kapaligiran sa trabaho, ayon sa mga natuklasan mula sa Pagtatasa sa Inisyatiba ng Apprenticeship sa Amerika. Nagbibigay-daan ang mga direktang link na apprenticeship na ibinibigay sa pagitan ng mga employer at potensyal na empleyado para sa mas mahusay na pag-unawa sa mga pangangailangan at kagustuhan ng indibidwal. Maaaring kabilang dito ang mga flexible na oras ng trabaho, binagong gawain, o espesyal na pamamaraan ng pagsasanay na tumutugon sa iba't ibang estilo ng pag-aaral.
Tinitiyak ng pagsasama ng mga may kapansanan na ang mga indibidwal na may mga kapansanan ay may pantay na oportunidad na makisali sa lahat ng sektor ng pamumuhay sa komunidad, kabilang ang edukasyon at trabaho. Nangangailangan ito ng mga inklusibong programa, naa-access na patakaran sa kapaligiran, at sa ilang kaso ng makatuwirang akomodasyon.
Ang mga akomodasyong maaaring kailanganin ng mga manggagawang may kapansanan, kung mayroon man, ay kadalasang madaling ipatupad at mas mura kaysa sa iniisip ng mga employer. Sa survey na isinagawa ng Network ng Mga Akomodasyon sa Trabaho (Job Accommodations Network, JAN), nalaman nila na ang mga akomodasyon sa lugar ng trabaho ay hindi lang karaniwang mababa sa gastos, pero positibong nakakaapekto rin sa lugar ng trabaho sa maraming paraan.
Panawagan para sa Pagkilos
Pinapaalalahanan tayo ng NDEAM na suportahan ang mga patakaran at inisyatiba na nagtataguyod ng pagiging inklusibo sa lugar ng trabaho, tulad ng pagbuo ng mga inklusibong Rehistradong Apprenticeship.
Isaalang-alang ang mga pagkilos na ito para isulong ang misyon ng NDEAM na pahusayin ang mga posibleng trabaho para sa mga taong may mga kapansanan.
- Sumali sa pagdiriwang ng NDEAM sa pamamagitan ng pagpaplano ng aktibidad sa iyong lugar ng trabaho. Tingnan ang mga aktibidad ng NDEAM sa website ng DOL para sa inspirasyon at mga mapagkukunan.
- Alamin kung paano ka makakabuo ng Inklusibong programa ng Rehistradong Apprenticeship.
- Alamin kung paano ka makakasali sa linggo ng Pambansang Apprenticeship sa apprenticeship.gov at tingnan ang aming DOL blog. Ngayong taon, ipinagdidiriwang natin ang ika-10 taunang Linggo ng Pambansang Apprenticeship! Makakatulong sa amin ang isang linggong pagdiriwang na ito para ipakita ang halaga ng Rehistradong Apprenticeship sa pagbuo ng mga manggagawang may mataas na kasanayan na tumutugon sa mga pangangailangan ng industriya, paglikha ng mga landas para sa mga naghahanap ng karera para makapasok sa magagandang trabaho, pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng lahi at gender, at pagpapalakas ng ating ekonomiya.
- Makipag-ugnayan sa Network ng Akomodasyon sa Trabaho (JAN) para sa libre, galing sa eksperto, at kumpidensyal na patnubay sa mga akomodasyon sa trabaho at isyu sa pagtatrabaho ng may mga kapansanan (AskJan.org)
- Magsimula o magpanatili ng Grupo ng Mapagkukunan ng mga Empleyado (Employee Resource Group, ERG) na nakatuon sa mga may kapansanan sa iyong lugar ng trabaho. Nag-aalok ang toolkit na ito ng impormasyon kung paano magsimula.https://askearn.org/publication/ERG-toolkit
Si John Ladd ay ang tagapangasiwa para sa Tanggapan ng Apprenticeship sa Pangangasiwa sa Pagtatrabaho at Pagsasanay ng Departamento ng Paggawa ng U.S.