Pagpapabuti ng kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa sa South

Nakatayo sa labas ng tanggapan ng Birmingham si Dorinda Hughes, na nakasuot ng blazer na kulay matingkad na bughaw.
Dorinda Hughes

Pinamumunuan ni Dorinda Hughes ang bagong rehiyong Birmingham ng OSHA, nang nakatuon sa kaligtasan at kalusugan ng manggagawa para sa lumalaking workforce sa South. Hiniling namin sa kanyang magsabi pa sa amin tungkol sa bagong rehiyon at kanyang mga priyoridad.

 

Magbahagi ng kaunti tungkol sa iyong background at kung paano ka umabot sa bagong tungkuling ito. 

Isa akong Southern girl – tubong Alabama, nagtapos sa isang kolehiyo sa Mississippi, at nanirahan sa Louisiana nang 26 taon, kung saan nagsimiula ang aking karera sa OSHA bilang compliance officer. Nasiyahan akong magtrabaho bilang rehiyonal na tagapangasiwa sa Seattle sa nakaraang isang taon at kalahati. Kamangha-mangha ang Pacific Northwest at ang mga taong nagkaroon ako ng pagkakataong makatrabaho at mami-miss ko sila, pero dati ko pa alam sa loob-loob ko na babalik ako sa South sa anumang pagkakataon. Hindi ko lang naisip na mangyayari ito sa ganitong paraan! Pero napakagandang pagkakataon ito para bumalik sa aking “tahanan,” kung mawawari mo, at magtrabaho kasama ng team na nasasabik na isulong ang kaligtasan at kalusugan ng manggagawa at mga proteksyon para sa manggagawa. 

 

Bakit ginawa ang desisyong itatag ang rehiyon ng Birmingham, at ano ang mga partikular na pangangailangan o oportunidad kung saan nakatuon sa pagtugon ang ahensya? 

Noong itinatag ng OSHA ang mga rehiyonal na tanggapan nito higit sa 50 taon ang nakalipas, iba ang hitsura ng lokasyon ng mga industriya at manggagawa kumpara sa ngayon. Nakita naming lumipat ang trabaho patungo sa South kasama ng mga manggagawa, at marami sa kanila ang kulang ang representasyon o oportunidad. Magsisikap ang bagong rehiyon na magbigay ng mga mas ligtas at malusog na kapaligiran ng trabaho para sa mga manggagawang iyon habang tinitiyak ding protektado ang kanilang boses sa lugar ng trabaho.  

 

Ano ang pinakakapana-panabik para sa iyo sa pamumuno sa bagong rehiyong ito? 

Pinakakapana-panabik para sa akin ang mga tao. Pinagsasama namin sa isang bagong rehiyon ang mga bahagi ng tatlong rehiyon — mga lider mula sa tatlong rehiyon, tatlong magkakaibang paraan ng paggawa ng mga bagay— at sa kabila noon, tinitingnan nila ang bagong rehiyong ito bilang oportunidad na ipinagkatiwala sa amin. Malaking responsibilidad ito, at nakakahawa ang kanilang kumpiyansa at pagiging positibo.   

 

Saan mo nakikita rito ang pinakamalalaking oportunidad para sa paglago? 

Naniniwala akong ang pagkakaroon ng rehiyonal na tanggapan sa Birmingham ay magbibigay-daan sa ating patatagin at kung maaari'y palawakin ang mga ugnayang nabuo na ng mga rehiyong Atlanta at Dallas. Napakaraming oportunidad sa lugar para makipagtulungan sa mga organisasyong may mga katulad na interes pagdating sa kaligtasan at kalusugan sa lugar ng trabaho.   

 

Anong mga hamon ang inaasahan mo habang binubuo mo ang bagong rehiyong ito, at paano mo pinaplanong tugunan ang mga ito?

Talagang naisip ko na ang pinakamalaking hamon ay ang pagsasama-sama ng mga bahagi ng tatlong rehiyon sa iisang rehiyon. Kamakailan, nagkaroon kami ng ibang uri ng pagpupulong ng mga manager. Nagsagawa kami ng ilang team-building exercise habang ginagawa ang mga proyektong tinukoy nila bilang mga priyoridad para sa bagong rehiyon. Umalis kami sa pagpupulong nang may ganitong bisyon: “Ang Rehiyong Birmingham ng OSHA – ginagawang mas ligtas at malusog ang mga lugar ng trabaho sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga manggagawa ng boses at pagtataguyod ng pantay-pantay at de-kalidad na serbisyo nang may pagtuon at respeto.”

 

Paano ka makikipag-ugnayan sa mga employer at negosyo pagdating sa kaligtasan sa lugar ng trabaho sa area?

May team ang bagong rehiyon na nakatuon sa mga pinagtutulungang serbisyo, at kasalukuyan silang bumubuo ng plano sa pag-outreach para sa bagong piskal na taong ito. Mapalad akong magkaroon ng mga katrabahong nagsasaayos ng mga pagpupulong sa mga grupo ng employer at empleyado sa area, at magsisimula kami mula roon. Patuloy na magsasagawa ang aming mga tanggapan sa area ng pag-outreach at makikibahagi sa mga pakikipagtuwang at alyansa. At patuloy naming susuportahan ang network ng mga kalahok sa SHARP at VPP na nasa bagong rehiyon na ngayon.