Sa sektor ng damit na handa nang magamit ng Bangladesh, na gumagawa ng karamihan sa mga damit na isinusuot ng iba pang bahagi ng mundo, itinaas kamakailan ng pamahalaan ang buwanang minimum na sahod - sa 12,500 taka humigit-kumulang $113 dolyar. Para sa 4 na milyong manggagawa ng damit sa Bangladesh, sa kasamaang-palad, hindi ito umaabot sa isang sapat na sahod – na nagbibigay ng makatuwirang rate ng sahod na nagbibigay-daan sa isang disenteng pamantayan ng pamumuhay – lalo na sa panahon ng matinding pagtaas sa halaga ng pamumuhay sa mga nakaraang taon.
Nangangahulugan iyon na maaaring walang sapat na pera ang isang manggagawa ng damit sa Bangladesh para sa mga pangunahing pangangailangan, tulad ng pagkain, tirahan o pangangalagang pangkalusugan para sa kanilang pamilya - kahit na nagtatrabaho sila nang full time.
Ang agwat sa pagitan ng minimum na sahod at isang sapat na sahod ay hindi natatangi sa Bangladesh. Ang ibang bahagi ng mundo, kabilang ang Estados Unidos, ay patuloy sa paglutas sa isyung ito.
Kapag binanggit ang salitang "sahod", isa sa mga unang bagay na pumapasok sa isip ay ang minimum na sahod. Madaling mauunawaan ito dahil sa nangingibabaw na papel na ginagampanan ng minimum na sahod sa paghubog ng buhay ng milyon-milyong manggagawa sa Estados Unidos at sa ibang bansa mula noong unang bahagi ng dekada 1900. Sa teorya, ang minimum na sahod ay naglalagay ng limitasyon sa mga employer na gustong magbaba ng sahod para bawasan ang mga gastos sa paggawa at bawasan ang kompetisyon.
Pero sa paglipas ng panahon, nangangahulugan ito na ang minimum na sahod ay naging antas ng sahod para sa mababa ang kasanayan sa trabaho sa parehong maliliit at malalaking negosyo. Bagama't sa una, ang mga manggagawa ang nilalayong makinabang sa mga panuntunan sa minimum na sahod, sa paglipas ng panahon, sa maraming bansa, ang kakayahang bumili ng minimum na sahod ay bumagsak dahil sa inflation. Ang huling pagtaas sa pederal na minimum na sahod sa Estados Unidos, halimbawa, ay halos 15 taon na ang nakakaraan.
Noong Pebrero, nag-host ang Pandaigdigang Samahan ng Paggawa (International Labor Organization) ng pagpupulong ng mga eksperto sa mga patakaran sa pasahod, kabilang ang sapat na sahod. Ang pagpupulong ay naghudyat ng pagbabago sa pag-uusap mula sa minimum na sahod patungo sa tahasang pag-uusap tungkol sa sapat na sahod – gaya ng hinihimok din ng Departamento ng Komersiyo (Department of Commerce) at ng sariling Mga Prinsipyo sa Magandang Trabaho (Good Jobs Principles) ng Departamento ng Paggawa. Ang mas mataas na suweldo at magagandang trabaho ay hindi lamang tumitiyak ng marangal na buhay para sa mga manggagawa at kanilang mga pamilya, pero lumilikha rin ito ng malinaw na mapagkumpitesyang kalamangan pagdating sa pag-recruit, pagpapanatili at pangkalahatang tagumpay ng isang kompanya. Lalo ring tinatanong ang mga employer kung ang kanilang mga manggagawa ay maaaring mabuhay nang sapat sa ibinabayad na sahod sa kanila, kahit na sila ay kumikita na ng higit sa minimum na sahod.
Sa pagpupulong ng Pandaigdigang Samahan ng Paggawa (International Labour Organization, ILO), na tumagal nang limang araw, ang mga employer, pamahalaan at manggagawa, sa huli, ay nagkasundo sa isang kahulugan ng sapat na sahod, mga prinsipyo para sa pagtatantya nito, at mga hakbang na gagawin ng ILO para isulong ang pagsasalubong sa pagitan ng minimum na sahod at sapat na sahod. Kaya, habang marami pa ring kahulugan ang sapat na sahod, tinitingnan ito ng ILO bilang "ang antas ng sahod na kinakailangan para maabot ang isang disenteng pamantayan ng pamumuhay para sa mga manggagawa at kanilang mga pamilya, na isinasaalang-alang ang mga kalagayan ng bansa at kinakalkula para sa trabahong isinagawa sa mga normal na oras ng trabaho."
Ang kalinawan at nakabahaging pag-unawa na ito ay isang panalo para sa lahat.
Mangangailangan ng oras para matasa ang epekto sa sahod at patakaran sa mga lugar tulad ng Bangladesh – o sa Estados Unidos. Pero isa itong hakbang sa tamang direksyon sa panahon na ang sahod ay hindi napapanatiling matatag sa napakaraming sulok ng mundo.
Si Basel Saleh ang punong internasyonal na ekonomista ng Departamento ng Internasyonal na Mga Ugnayan sa Paggawa (Bureau of International Labor Affairs) ng Departamento ng Paggawa ng U.S. I-follow ang ILAB sa X/Twitter sa @ILAB_DOL at sa LinkedIn.