Napakaraming manggagawa sa Estados Unidos ang hindi nakakaalam ng kanilang mga karapatan o natatakot na magsalita para sa kanilang sarili dahil sa takot na mawalan ng trabaho o ma-deport. Mahalaga ito hindi lang para sa mga indibidwal na manggagawa at kanilang mga pamilya, na karapat-dapat sa isang ligtas na lugar ng trabaho at isang makatarungang suweldo sa pagtatrabaho, ngunit para sa lahat ng employer na masunurin sa batas na sinasamantala ng mga walang prinsipyo.
Nakatuon ang administrasyong Biden-Harris na bigyang kapangyarihan ang mga manggagawa at itaguyod ang kanilang kakayahang gamitin ang kanilang mga karapatan sa trabaho, at tiyaking nauunawaan ng mga employer ang kanilang mga pananagutan. Iyan ang dahilan kung bakit inilalabas namin ang kautusan sa Linggo ng Mga Karapatan sa Paggawa sa 2024, sa Agosto 26-30, na LAHAT ng manggagawa sa Estados Unidos ay may mga karapatan sa paggawa. Nalalapat ang mga proteksyong ito sa lahat, anuman ang katayuan sa imigrasyon.
Idinadaraos bawat taon bago ang Araw ng Paggawa, ang Linggo ng Mga Karapatan sa Paggawa ay ang panahon na ang Departamento ng Paggawa ng U.S. ay sumasali kasama ang Embahada ng Mexico at sa mga konsulado nito; iba pang dayuhang embahada, kabilang ang sa Guatemala, Honduras, El Salvador at Dominican Republic; komunidad at mga organisasyong nakabatay sa pananampalataya; at mga katuwang ng pederal at estado na pamahalaan para itaguyod ang mga pangunahing karapatan sa paggawa. Ang tema sa taong ito ay ang “Mga Karapatan, Kalusugan at Kaligtasan ng Mga Manggagawa: Ang Kapangyarihan ng Pakikipagtulungan," na nagpapakita kung gaano kahalaga na makipagtulungan tayo sa mga katuwang na may malaking tiwala sa mga manggagawang hinahangad nating paglingkuranlalo na kapag humaharap ang mga manggagawa sa maiinit na kapaligiran sa trabaho at iba pang potensyal na nakamamatay na panganib.
Ang EMPLEO ay isang magandang halimbawa ng ganoong pakikipagtulungan; sa pakikipagtulungan sa mga konsulado, nonprofit at iba pang ahensya ng gobyerno, nakabawi tayo ng higit sa $15 milyon na suweldong hindi nababayaran para sa halos 15,000 manggagawa sa nakalipas na 20 taon. Sa taon din na ito ang ika-20 taong anibersaryo ng Programa ng Pakikipagtulungan sa Konsulado (Consular Partnership Program), na pinangangasiwaan ng Kawanihan ng Pandaigdigang Ugnayan sa Paggawa (Bureau of International Labor Affairs) ng departamento at kinasasangkutan ng ating Pangangasiwa sa Kaligtasan at Kalusugan sa Trabaho, ang Dibisyon ng Oras at Suweldo, at iba pang ahensya. Nakikipagtulungan ang mga kawani mula sa aming mga tanggapan sa field sa mga lokal na konsulado at maraming iba pang katuwang para matiyak na nauunawaan ng mga taong nagtatrabaho sa U.S. ang kanilang mga karapatan at mabigyang kaalaman ang mga employer sa kailangan nila para sumunod sa mga batas sa paggawa.
Gusto mo bang makibahagi sa gawaing ito? Isa sa mga pinakamahusay na paraan ay ang pagsali sa mga kaganapan ng pagtulong sa iyong lugar. Narito ang ilang online na mapagkukunan para galugarin at ibahagi:
MigrantWorker.gov: Nakatuon kami na gawing mas naa-access ang impormasyon. Available ito sa walong wika – Arabic, Chinese (Simplified), Ingles, Haitian Creole, Portuguese, Espanyol, Tagalog at Vietnamese – binibigyang kapangyarihan ng aming bagong website ang mga manggagawa na may kaalaman tungkol sa mga isyu sa sahod at kaligtasan hanggang sa mga visa at paghihiganti.
Mga Sahod na Dapat Ibigay sa Mga Manggagagawa: Kung mag-iimbestiga kami sa isang lugar ng trabaho at malaman na ang mga manggagawa ay hindi pa nababayaran sa lahat ng sahod na dapat ibigay sa kanila, maaari naming mabawi ang mga sahod na iyon. Ang perang iyon ay hawak namin ng tatlong taon habang sinusubukan naming hanapin ang mga manggagawa. Pagkatapos ng tatlong taon, kailangan naming ipadala ang pera sa Ingat-yaman ng U.S. Hanapin ang Mga Sahod na Dapat Ibigay sa Mga Manggagagawa: — available sa Ingles at Espanyol — para makita kung ikaw o isang taong kilala mo ay may mga sahod na hindi pa naibibigay at nakolekta na namin para ma-claim at matanggap nila ang perang iyon.
Gabay sa pagmemensahe sa Linggo ng Mga Karapatan sa Paggawa: Ang mga mensaheng ito sa wikang Ingles at Espanyol ay makakatulong na ipaalam sa mga manggagawa ang tungkol sa mahahalagang proteksyon sa lugar ng trabaho, mula sa pananatiling ligtas laban sa init hanggang sa pagtugon sa mga banta ng paghihiganti.
Para sa anumang tanong o tulong sa mga karapatan sa trabaho, kabilang ang kung paano maghain ng reklamo, tawagan kami sa 1-866-487-2365. Maaaring magbigay ng tulong ang aming mga tauhan sa maraming wika.
Nakikipagtulungan kami sa buong taon kasama ang aming mga katuwang para isulong ang pagiging patas at makatarungan para sa mga taong nagtatrabaho. Mangyaring samahan kami sa Linggo ng Mga Karapatan sa Paggawa para maipahayag sa iyong komunidad ang mga karapatan ng mga manggagawa!
Si Julie Su ang gumaganap na kalihim ng paggawa.