8 bagay na dapat malaman tungkol sa iminumungkahing tuntunin sa init ng OSHA

Nakaupo ang isang manggagawa sa konstruksyon sa labas sa lilim, habang hawak ng isang kamay ang matigas na sombrero niya at umiinom ng tubig mula sa malinaw na bote ng plastic.

Ang init ay isang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa lahat ng kaganapang nauugnay sa lagay ng panahon sa Estados Unidos. At isa itong malubhang panganib sa trabaho para sa maraming manggagawa, sa loob at labas. Iyon ang dahilan kung bakit nagmungkahi ng bagong pamantayan ang Pangasiwaan ng Kaligtasan at Kalusugan sa Trabaho (Occupational Safety and Health Administration) na poprotektahan ang humigit-kumulang 36 na milyong manggagawa mula sa mga panganib na dulot ng init.

Marami kaming natanggap na tanong tungkol sa iminungkahing tuntunin. Narito ang ilang sagot sa ilan sa mga madalas na itanong (Frequently Asked Question, FAQ) na iyon – pero tandaan, isa itong iminumungkahi na tuntunin at napapailalim ito sa pagbabago batay sa input mula sa publiko:

1. Anong mga uri ng manggagawa ang masasaklaw?

Ang sinumang nagtatrabaho sa labas o loob sa pangkalahatang industriya, konstruksyon, pandagat at agrikultural na sektor kung saan may hurisdiksyon ang OSHA. Kasama roon ang maraming trabaho kung saan alam naming mataas ang panganib sa mga manggagawa dahil sa init, gaya ng mga manggagawa sa bukid, restaurant, konstruksyon, delivery at marami pa. Sa mga estadong may mga kanya-kanyang Mga Plano ng Estado, sinusubaybayan ng OSHA ang mga planong iyon – at dapat na kasing-epektibo man lang ng mga iyon ang aming mga plano sa pagprotekta sa mga manggagawa at sa pagpigil ng mga pinsala, sakit, at pagkamatay na nauugnay sa trabaho.

2. Sino ang hindi saklaw?

Mga taong nagtatrabaho sa tahanan (telework); mga nagtatabraho nang walang makatuwirang inaasahang pagkakalantad sa sukat ng init na nasa o higit sa 80°F (sa loob at labas); mga nagtatrabaho sa mga panloob na lugar ng trabaho o sasakyan kung saan patuloy na pinapanatili ng air conditioning na mas mababa sa 80 °F ang temperatura; mga taong nagtatrabaho sa pagtugon sa emergency; mga gumagawa ng mga panloob na hindi aktibong aktibidad, gaya ng pag-upo; at mga manggagawang maaaring nalalantad sa sukat ng init na higt sa 80°F sa maikling panahon (15 minuto o mas maikli sa anumang 60 minutong haba ng panahon).

3. Paano tutukuyin ang mga panganib sa init sa aking lugar ng trabaho?

Para sa panlabas na trabaho, kakailanganing subaybayan ng mga employer ang tinatantiyang lokal na sukat ng init (temperatura + halumigmig), o sukatin ang sukat ng init o ang “wet bulb globe temperature” (WBGT). 

Para sa trabaho sa loob, kakailanganing tukuyin ng mga employer ang mga bahagi ng trabaho na may mapanganib na pagkakalantad sa init, at na bumuo at magpatupad ng plano sa pagsubaybay para sa mga lugar na iyon sa pamamagitan ng pagsukat sa sukat ng init o WBGT. 

4. Ano ang mangyayari kapag umabot sa 80°F ang sukat ng init sa aking lugar ng trabaho?

Ang sukat ng init na 80°F ay ang inisyal na trigger ng init. Sa o sa mas mataas sa inisyal na trigger ng init, kakailanganin ng employer na:

  • tiyaking may madaling naa-access na malamig na inuming tubig (hindi bababa sa 1 quart bawat oras) ang mga manggagawa
  • payagan ang mga bayad na oras ng pahinga kung kailangan
  • sa mga panlabas na lugar ng trabaho, magbigay ng isa o higit pang madaling naa-access na lugar para sa pahinga na may lilim O air-conditioning kung nasa isang saradong espasyo, gaya ng trailer, sasakyan o istruktura
  • sa mga panloob na lugar ng trabaho, magbigay ng isa o higit pang madaling naa-access na lugar para sa pahinga na may air-conditioning O pinataas na paggalaw ng hangin at, kung naaangkop, pagtanggal ng halumigmig
  • magpatupad ng plano sa pakikibagay sa pagbabago sa kapaligiran para sa unang linggo ng trabaho para sa mga bago at nagbabalik na empleyado
  • regular na makipag-usap sa mga empleyado

Sa o sa higit sa mataas na trigger ng init, kapag may sukat ng init na 90° F, kakailanganin din ng employer na:

  • magbigay ng mga bayad na oras ng trabaho – minimum na 15 minuto bawat dalawang oras (ang pahinga para kumain – bayad man o hindi bayad – ay maaari ding magsilbi bilang oras ng pahinga)
  • magtakda ng sistema sa pag-obserba para suriin ang mga empleyado para sa mga palatandaan at sintomas ng mga sakit na nauugnay sa init
  • magpanatili ng epektibong two-way na komunikasyon sa mga empleyadong mag-isa sa lugar ng trabaho kada 2 oras
  • magbigay ng alerto sa panganib sa init sa mga empleyado tungkol sa kahalagahan ng pag-inom ng tubig, pagpapahinga at pagsunod sa mga pamamaraan na pang-emergency para iligtas ang buhay

5. Kakailanganin bang magbigay ng pagsasanay ng mga employer tungkol sa mga panganib sa init?

Oo, kasama sa panukala ang kinakailangan na magbigay sa mga superbisor, tagapag-ugnay para sa kaligtasan sa init at mga empleyado ng inisyal at taunung pagsasanay para muling maging pamilyar, pati na rin ng karagdagang pagsasanay sa mga partikular na sitwasyon – gaya ng kung magkaroon ng pinsala o karamdaman dahil sa init sa lugar ng trabaho. 

6. Kasama ba sa iminumungkahing tuntunin ang plano sa pakikibagay sa pagbabago sa kapaligiran?

Oo. Alam naming halos 3 sa 4 na manggagawa na namamatay dahil sa mga sanhing nauugnay sa init ay namamatay sa kanilang unang linggo sa trabaho. Iaatas ng iminumungkahing tuntunin sa mga employer na sundin ang mga pamamaraan sa pakikibagay sa pagbabago sa kapaligiran para sa unang linggo ng trabaho para sa lahat ng bagong empleyado, pati na rin sa mga nagbabalik na empleyado na wala sa trabaho nang higit sa 14 na araw. 

Nagbibigay ang iminumungkahing tuntunin ng dalawang pagpipilian para makibagay sa pagbabago sa kapaligiran: pagpapatupad ng plano na, sa minimum, ay nagsasama ng mga kinakailangan ukol sa mataas na antas ng init sa inisyal na trigger ng init o pagsunod sa iskedyul na dahan-dahang itinataas ang pagkakalantad sa init sa paglipas ng panahon. 

7. Ano ang kasama para tiyaking protektado ang mga manggagawa sa isang emergency na nauugnay sa init?

Bilang bahagi ng kanilang plano sa pagpigil sa pinsala at sakit na dulot ng init sa lugar ng trabaho, kailangang magsama ang mga employer ng impormasyon na partikular sa lugar para suriin at kontrolin ang mga panganib sa init sa kanilang lugar ng trabaho. Kasama dito ang pagbuo ng mga pamamaraan – kasama ang mga agarang pagkilos – para sa pagtugon sa isang empleyadong nakakaranas ng emergency na dulot ng init o nagpapakita ng mga palatandaan ng sakit na dulot ng init. 

8. Paano ako makakapagbigay ng feedback sa iminumungkahing tuntunin?

Para makatulong na hubugin ang panghuling tuntunin, ibahagi ang iyong mga komento sa pamamagitan ng Pederal na Rehistro bago lumipas ang Disyembre 30. Narito ang ilang tip para sa pagsumite ng epektibong komento:

  • Sabihin sa amin ang iyong kuwento. Sa iyong komento, sabihin sa amin kung paano nakakaapekto ang isyu sa iyo, iba pang manggagawa o iyong industriya. 
  • Magbigay ng maraming detalye hangga’t maaari. 
  • Magsama ng anumang ideya o mungkahi na mayroon ka para matugunan ang isyu.
  • Kung saan posible, magsama ng datos, pananaliksik at sumusuportang katibayan.

Tingnan ang osha.gov/heat-exposure/rulemaking para matuto nang higit pa tungkol sa iminumungkahing tuntunin, kasama ang mga update sa pampublikong pagdinig sa hinaharap.

 

Si Doug Parker ang katulong na kalihim ng paggawa para sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho. I-follow ang OSHA sa X/Twitter sa @OSHA_DOL at sa LinkedIn.