Nagbigay sa akin ang militar ng higit pa sa isang magandang trabaho pagkatapos ng high school. Nagbigay ito sa akin ng layunin, mga kasanayan sa pagpapasya sa sarili, at mga pangmatagalang personal na koneksyon na humubog sa aking career at buhay. Karamihan ng kung ano ang naging maganda sa aking buhay ay utang ko sa panahong nasa militar ako ng U.S. Gayunpaman, hindi lahat ng transisyon ng mga beterano ay kasing ayos ng sa akin.
Bilang isang beteranong naglilingkod ngayon sa Serbisyo sa Pagtatrabaho at Pagsasanay ng Mga Beterano ng Departamento ng Paggawa, masuwerte akong nakapag-ugnay sa mga tunay na nagbibigay-inspirasyon na indibidwal. Dalawang taong nakilala ko kamakailan ay kapwa beterano, sina Markus Jolly at George Nolan. Bagama't pinahalagahan nila ang kanilang oras sa serbisiyo, pareho silang nahihirapang makibagay sa buhay sibilyan. Humantong sa kanilang maraming pagkabilanggo ang paggamit ng kontroladong kemikal at mga suliranin sa kalusugan ng pag-iisip pati na ang ilang hindi magandang desisyon. Parehong silang naserbisyuhan ng Incarcerated Veteran Transition Program ng VETS', na tumutulong sa mga beteranong nabilanggo na magsanay at maghanda para sa trabaho. Nagbibigay ang programa ng gabay sa pagtatrabaho at mga mapagkukunan upang matulungan ang mga beterano na bumuo ng kanilang mga kasanayan sa trabaho bago pa man sila umalis sa bilangguan. Ang kanilang mga kuwento ay nagpapakita ng aming pangako na kailanman ay hindi namin susukuan ang ating mga beterano.
Inamin ni Markus Jolly na hindi siya masyadong disiplinadong bata noon. Sa kanyang kabataan, gumagamit na siya ng mga kontroladong kemikal at nagkakaroon ng problema sa batas. Ngunit nang siya ay ipinadala sa paaralang militar, umunlad siya at nakuha ang kanyang GED. Naging mahusay din siya sa pangunahing pagsasanay sa pagsali sa U.S. Navy. Para sa kanyang unang deployment, itinalaga siya sa isang barkong nasa dry dock, isang sitwasyong nagbigay ng napakaliit na istraktura para sa kanya. Hindi lang nanumbalik ang paggamit niya ng kontroladong kemikal bagkus ay lumala pa ito at humantong sa pagkakaalis niya sa Navy pagkatapos ng dalawang taong serbisyo.
Sumunod ang sunod-sunod na mga malubhang krimen at lalong mas mahabang sentensya sa bilangguan. Sa panahon ng kanyang ikatlo at huling pagkabilanggo na napagtanto ni Jolly na kailangan niyang magbago.
Sa pag-iwas sa “yard life” at paggugol ng oras sa aklatan ng bilangguan, ginugol niya ang kanyang panahon sa pakikilahok sa bawat pagkakataon sa edukasyong masusumpungan niya at sa pagbibigay ng payo sa iba pang bilanggo. Nagkamit siya ng maraming degree, kabilang ang isang associate sa applied science na may kinalaman sa mga karamdaman sa paggamit ng mga kontroladong kemikal at pagkalulong, bachelor sa sosyolohiya na nakatuon sa kriminolohiya, master sa pangangasiwa ng negosyo, at isang diploma sa paralegal. Nakinabang din si Jolly mula sa Incarcerated Veteran Transition Program, na pinondohan sa pamamagitan ng VETS’ Homeless Veterans Reintegration Program.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy si Jolly ng isang doctorate sa kalusugan ng pag-uugali na tumutuon sa pamamahala sa Arizona State University habang nagtatrabaho bilang isang espesyalista sa paggamit ng kontroladong kemikal at kalusugan ng pag-iisip. Umaasa siya na balang araw ay makapagbukas siya ng isang programa sa muling pagpasok hinggil sa kalusugan ng pag-uugali upang matulungan ang mga kamakailang nabilanggong indibidwal na muling maisama sa lipunan. Sa pansamantala, muling nakipag-ugnayan si Jolly sa kanyang batang anak na babae, at nangangahulugan ang kanyang abalang iskedyul na madalas siyang dapat pumili sa pagitan ng pag-eehersisyo at pagkuha ng sapat na tulog.
17 taong gulang si George Nolan nang magpatala siya sa U.S. Marine Corps. Bilang isang bata, madalas niyang naramdaman ang kakaibang pagkadiskonekta sa kanyang pamilya at mga kaibigan. Inasahan niya na ang pagsali sa Marines ay magbibigay sa kanya ng pakiramdam ng pagkakabilang na hinahangad niya. Nagsanay si Nolan bilang field wireman at na-deploy sa Kuwait. Pagkatapos bumalik sa Estados Unidos, napaharap siya sa isang hindi magandang engkwentro na naging dahilan ng paglabas niya sa serbisiyo. Na-diagnose si Nolan na may post-traumatic stress bilang resulta ng insidenteng ito.
Habang nagtatrabaho bilang isang bartender sa kanyang kinalakihang lugar sa New York, nagsimula siyang gumamit ng mga kontroladong kemikal. Lumipat si Nolan sa Arizona upang humingi ng tulong para sa kanyang paggamit ng kontroladong kemikal, pero nagkaroon lang siya ng maraming paghatol sa malubhang krimen at tatlong sentensya sa bilangguan. Tila wala na siyang pag-asa para sa hinaharap.
Ngunit noong 2018, pagkatapos na makilahok sa aktibidad ng gang sa bilangguan, nagsimulang magkaroon ng mga bangungot si Nolan. Pakiramdam niyang hindi siya isang taong may integridad, tahimik ngunit matatag na nagpasya si Nolan na baguhin ang kanyang sarili. Bagama't hindi niya alam kung saan siya pupunta, alam ni Nolan na ayaw niyang manatili sa pagkataong meron siya sa panahong iyon.
Tulad ni Jolly, si Nolan ay naging isang kasamang tagapayo sa bilangguan at gumugol ng isang taon at kalahati bago siya palayain sa paggawa ng isang programa sa career sa kalusugan ng pag-uugali. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang isang outreach manager sa isang hindi kumikitang organisasyon, na pinapadali ang transisyon sa pagitan ng pagkakabilanggo at pagbabalik sa komunidad para sa mga indibidwal na nasangkot sa hustisya. Si Nolan, isang mag-aaral sa Rio Salado College, isang podcaster at isang mapagmahal na lolo ng dalawang apo ay masigasig sa kanyang mga bagong pagkakataon.
Bagama't parehong ginawa nina Jolly at Nolan ang hirap sa pagbabago ng kanilang buhay, nakinabang din sila sa mga serbisiyong idinisenyo para sa mga beterano, tulad ng programa ng transisyon na sinusuportahan ng Incarcerated Veteran Transition Program, A New Leaf. Tumulong ang A New Leaf hinggil sa pananamit, gastos sa transportasyon papunta at pabalik sa trabaho, at pagsusulat ng resume. Parehong mahalaga, sinagot ng mga tagapayo sa A New Leaf ang telepono at tumawag para mag-check in, na tinitiyak na nakahanda para sa tagumpay si Jolly at Nolan.
Si Jolly at si Nolan ay mga beteranong humarap sa mga kahirapan ngunit nakipaglaban upang makalabas sa kanilang kadiliman. Sa ngayon, hindi lang sila umuunlad sa kanilang mga career, kundi natuklasan din nila ang hilig sa pagtulong sa iba. Sa VETS, ipinagmamalaki namin na matulungan ang mga beteranong ito at inaasahan ang kanilang patuloy na tagumpay.
Si Tonja M. Pardo ang Direktor ng Oregon para sa Serbisyo sa Pagtatrabaho at Pagsasanay ng Mga Beterano ng Departamento ng Paggawa ng U.S.