Patungo sa luntiang pandaigdigang ekonomiya para sa mga manggagawa

Dalawang babae na may suot na malapad at makapal na sumbrero na makikitang nakatalikod habang nagtatrabaho sila sa isang tanimang may matataas na berdeng mala-damong halaman.
Mga babaeng magsasaka sa isang pang-agrikulturang taniman sa Nepal.

Ilarawan sa isipan ang isang magsasaka ng palay at ang kanyang anak sa Nepal. Ilarawan sa isipan na hindi na nila nabubungkal ang kanilang lupain dahil sinisira ng baha, tag-ulan, pagguho ng lupa at mabilis na pagbabago ng ekosistema ang kanilang pananim. Maaaring kailangang magsimulang lumipat nang pana-panahon malapit sa mga hurnuhan ng ladrilyo ang magsasakang iyon at ang kanyang anak, kung saan tinatayang nasa 34,000 bata ang nakatira ngayon. Nagtatrabaho sa mga hurnuhan ang mahigit sa kalahati ng mga batang iyon, isinakripisyo ang kanilang mga kabataan at isinasapanganib ang kanilang kaligtasan para matulungan ang kanilang mga pamilya na mabuhay.

Isa lamang itong maliit na paglalarawan kung ano ang nangyayari sa buong mundo. Sa katunayan, mahigit kalahating bilyong bata ang naninirahan sa mga lugar na may napakataas na antas ng baha at mahigit 150 milyong bata ang nakatira sa mga lugar na may matinding tagtuyot. Sa alinmang kaso, kadalasang napipilitan ang mga pamilya na kumuha ng mga trabahong may mas mababang suweldo para matugunan ang mga pangangailangan kung saan sinasamantala ng mga employer ang kanilang desperadong kalagayan.

Ang Kawanihan ng Pandaigdigang Ugnayan sa Paggawa (Bureau of International Labor Affairs) ng Departamento ng Paggawa ay gumagawa ng paraan para palakasin ang mga karapatan sa paggawa sa buong mundo at labanan ang mga matinding paglabag tulad ng pagpapatrabaho sa mga bata, sapilitang pagpapatrabaho at pangangalakal ng tao. Dagdag pa rito, nangangahulugan iyon ng pag-unawa sa mga umuusbong na ugnayan sa pagitan ng klima at mga karapatan sa paggawa. 

Gayunpaman, ang paggawa ay kadalasang pangalawang alalahanin sa parehong pambansang paggawa ng patakaran sa klima at mga modelo ng "luntian" na panlipunang responsibilidad ng korporasyon. Ang mga kompanyang gumagamit ng malinis na enerhiya, sa industriya man ng sasakyan o sa sektor ng smartphone, ay maaaring agresibong magpahayag ng kanilang mga pagsusumikap sa pagiging likas-kaya pero madalas nating nakikita ang mga manggagawa na naiiwanan sa proseso ng paggawa ng desisyon. Nilalagay sa panganib ng pagbubukod na ito na mapag-iwanan ang buong populasyon at mabigong makakuha ng pag-buy in mula sa mga nagtatrabahong tao at komunidad sa mga pangunahing linya ng pagsusumikap sa pakikibagay at pagpapagaan.

May malaking pagkakataon - at isang kinakailangan - para sa mga kompanya na gumawa ng higit pa sa mababaw na mga modelo ng pagsunod sa lipunan na mukhang maganda mula sa isang anggulo ng pampublikong ugnayan patungo sa pagtiyak na kasama ang mga manggagawa sa paggawa ng desisyon at napapakinggan ang kanilang pananaw. Kung saan posible, maaaring sumali ang mga kompanya sa mga umiiral at naipapatupad na kasunduan sa pagitan ng mga mamimili, supplier at malalaking brand na nakikipag-ugnayan sa parehong mga kompanya at organisasyong pinamumunuan ng manggagawa, kabilang ang mga unyon ng manggagawa. Ang tool na Comply Chain ng ILAB ay tumutulong sa mga kompanya na bigyang-lakas ang kanilang mga manggagawa na gumanap ng isang pangunahing papel sa pagtukoy at pagtugon sa mga paglabag sa mga karapatan sa paggawa at iba pang alalahanin sa lugar ng trabaho. 

Pagdating sa pamumuhunan ng gobyerno sa naibabalik na enerhiya, nangangahulugan ang “makatarungang pagbabago” na nakutuon sa manggagawa ng paglikha ng magagandang trabaho sa mga ligtas na lugar ng trabaho na gumagalang sa mga karapatan ng mga manggagawa. Dapat ding magkaroon ng likas-kayang panlipunang proteksyon para sa mga manggagawang tinanggal o nawalan ng trabaho. 

Sa lahat ng pag-uusap na ito, kailangang magkasama ang mga manggagawa at ang kanilang mga organisasyon sa mga pag-uusap mula sa simula. Mahalaga ito dahil kapag pinapakinggan ang mga manggagawa, maaari nilang malantad ang pagsasamantala sa paggawa at sama-samang makipagtawaran para sa mas magandang sahod at mga kondisyon sa pagtatrabaho. Ang mga manggagawang binigyan ng karapatan at may sapat na suweldo ay kayang pangalagaan ang kanilang mga pamilya. Hindi nila kailangang maranasan ang makaramdam ng dalamhati sa pagpapatrabaho ng kanilang mga anak para lang mabuhay. Hindi lamang ang mga pamilya ang makikinabang dito, mahalaga rin ito para sa matatag at likas-kayang paglago at kaunlaran ng ekonomiya. 

Sa Departamento ng Paggawa, pinapagana namin ang patakaran sa klima para sa mga nagtatrabahong pamilya sa buong mundo. Halimbawa, nakikipagtulungan kami sa World Education, isang lokal na Organisasyong Hindi Kawani ng Pamahalaan (Non-governmental Organization, NGO) sa Nepal, sa isang $4 na milyon na proyekto para mas maunawaan ang mga epekto ng pagbabago ng klima sa bansa sa mga panganib sa bata at sapilitang paggawa. Sa Hunyo, gugunitain natin ang Pandaigdigang Araw Laban sa Pagpapatrabaho ng Bata (World Day Against Child Labor) na may talakayan sa makatarungang pagbabago at sa pandaigdigang komunidad.

Ang mga patakaran sa klima na nakasentro sa manggagawa ay hindi magpapababa ng temperatura o makakapigil sa mga bagyo. Gayunpaman, makakatulong ang mga ito sa pagbuo ng matatag na mga komunidad, suportahan ang mga nagtatrabahong pamilya para maprotektahan ang mga bata mula sa pagsasamantala, at bumuo ng kinabukasang gumagamit ng malinis na enerhiya na likas-kaya para sa lahat.

A boy carries a bundle of wood planks at a construction site.

 

Si Thea Lee ang deputy undersecretary para sa mga pandaigdigang ugnayan sa Departamento ng Paggawa ng U.S. I-follow ang ILAB sa X/Twitter sa @ILAB_DOL at sa LinkedIn.